- Advertisement -

Parricide, kidnapping isinampa vs board member

0 33

MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong parricide, kidnapping at serious illegal detention ang isang board member matapos na umamin na siyang pumatay sa kanyang sari­ling asawa na si Bien Unido, Bohol Mayor Gisela Boniel at itinapon pa sa dagat.

Kinasuhan si Board Member Niño Rey Boniel, dati ring mayor sa kanilang bayan at pito pang armadong mga tauhan nito dahil sa pagpatay sa misis nitong si Mayor Boniel.

Kaugnay nito, love triangle at problemang pinansyal ang sinisilip ng mga awtoridad na motibo sa pagpatay kay Mayor Boniel matapos na matukoy na ang mister nito ang mastermind sa krimen na naganap sa isang dive resort sa nasabing bayan.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 7 Director, Chief Supt. Noli Taliño, patuloy ang search and retrieval operations ng mga divers sa pagitan ng karagatan ng Mactan Island at Bohol upang ma­hanap ang itinapong bangkay ng alkalde na pinaslang nitong Miyerkules.

Ang nasabing third party na pinagseselosan umano ng board member ay isang dayuhan na umano’y dahilan kung bakit nais ng ginang na ipa-annull na ang kanilang kasal. Sinasabi pa nag-away ang mag-asawa matapos na bumili ang nasabing mayor ng P2.5 milyon na mamahaling relo.

Sa interogasyon, inamin ni Board Member Niño Rey na ipinatapon niya sa karagatan sa pagitan Bien Unido, Bohol at Punta Engaño sa Mactan Island, Cebu ang katawan ng misis na isinakay sa bangka na nilagyan pa ng pabigat na 30 kilo ng bato para hindi na lumutang sa dagat. Puwer­sahan umanong kinaladkad ang biktima ng pitong armadong kalalakihan sa Bien Unido Double Barrier Reef Dive Camp na pag-aari ng kanilang pamilya bago siya binaril ng kanyang mister.

  Itinuro naman ng isa sa mga suspek na si Riolto Etad si Niño Rey na siyang pumatay sa kanyang misis matapos barilin sa gitna na rin ng matinding alitan kung saan binayaran umano siya ng P10,000 sa partisipasyon sa krimen.

Si Mayor Gisela, bago naging alkalde ay ang kauna-unahan na naging piloto ng Air Asia.

 source: Pilipino Star Ngayon

- Advertisement -

Loading...