- Advertisement -

PDAF bubuksan uli – DOJ

0 147

MANILA, Philippines – Bubuksan muli ng Department of Justice ang imbestigasyon sa maano­malyang Priority Development Acceleration Fund (PDAF) scam.

 Ayon kay DOJ Sec. Vitaliano Aguirre, ito ay panibagong kaso at hindi kailangan ng permiso mula sa Ombudsman.

Lilikha aniya sila ng isang panel o task force na posibleng buuin ng mga imbestigador mula sa DOJ at NBI.

Tiniyak naman ni Aguir­re na hindi nila gagamitin ang sinasabing “utak” ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles laban sa oposisyon.

Paglilinaw ng kalihim, basta may ebidensya, hahabulin nila ang lahat ng mga sangkot sa anomalya mapa-oposisyon man ito o administrasyon.

Wala rin aniyang mangyayaring selective justice tulad ng nakaraan.

Umaasa si Aguirre na isisiwalat ni Napoles ang lahat ng nalalaman nito oras na matiyak ang kaligtasan nito at mawala ang natatanggap nitong banta sa buhay sa kasalukuyan nitong piitan.

Sinabi naman ni Atty. Stephen David na handa si Napoles na ibigay ang bagong listahan ng mga government officials na sangkot sa PDAF scam. Mas mahaba o mas marami umano ito kumpara sa kanyang naunang listahan.

Tanging sina dating Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang unang isinangkot ni Napoles.

Sa ngayon aniya gusto niya na mailipat si Napoles sa mas ligtas na pasilidad ng NBI.

“NBI is a “much safer” and “peaceful” place for Napoles” ani David. Gayunman, nasa Sandiganbayan pa rin ang desisyon kung saan ikukulong Napoles.

Samantala, balak ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na maghain ng resolusyon upang muling imbestigahan ng Senado ang isyu ng PDAF).

Nais ni Escudero na malaman kung saan napunta ang iba pang pera na nawala sa kahalintulad na scam na ginamit ni Napoles.

Pero hihintayin muna ni Escudero ang resulta ng gagawing imbestigasyon ng DOJ.

Kung hindi umano matutukoy ng DOJ ang iba pang partido na nakinabang sa PDAF ay saka isusulong ni Escudero ang imbestigasyon ng Senado.

Nais ding malaman ni Escudero kung ano na ang nangyari sa iba pang kaso na kahalintulad ng scam ni Napoles.

“Sa dinami-dami ng pangalang binanggit ni Ginang Napoles, ano nang nangyari sa mga kasong ‘yun? Nasampahan ba o hindi? Dapat sana maresolbahan rin ang mga kasong ‘yun. Hindi lamang para mapanagot ang may sala pero para malinis din ang pangalan ng mga nagkataong binanggit lamang at nadawit ang pangalan na wala namang ginawang mali o anomalya,” ani Escudero. (Dagdag ulat ni Malou Escudero)

source: Pilipino Star Ngayon

- Advertisement -

Loading...